Saturday, June 23, 2012

Tama na...

Akala ko'y wala na, ngunit meron pa pala; Akala ko'y lipas na, ngunit heto at nakatulala; Akala ko'y kaya pa, ngunit hindi na pala; At akala ko'y mahalaga, akala lang pala.


Ilang linggo na rin ang nakalilipas nang aking sabihin sa sarili na "Tama na!" Ngunit ang puso ko ay patuloy na tumitibok sa natitirang pag-asa na muli tayong magkakatagpo at makikita mong ako ang nararapat para sa iyo.

Batid kong hindi na ito tama subalit ito ang sinisigaw ng aking damdamin. Makailang ulit ko na ring kinukumbinsi ang aking puso at isipan na itigil ang kabaliwang nadarama pero nandiyan ka't madalas ko pa ring nakikita.

Sa tuwing lilipas ang isang araw na hindi ka sumasagi sa aking isipan ay napapanaginipan naman kita. Kung kaya't kinabukasan ay muling babalik ang "IKAW" sa aking gunita. Sabi nila, ang panaginip ay kabaligtaran ng katotohanan pero sabi naman ng iilan, ito ay senyales ng maaaring mangyari sa hinaharap. Kung maaari lang sana... kung pwede lang sana... ipaliwanag mo sa akin kung bakit sa aking panaginip ay ngumingiti ka at hinahawakan mo ang aking mga palad. Kung bakit ipinakikilala kita sa aking pamilya at ako naman ay kilala ng iyong angkan. Sana ay may paliwanag ang lahat.

Gusto ko nang sumuko, kaya naisipan kong humiling ng "signs" kay God. Alam mo ba ang naging resulta?? Kalimutan na raw kita. Hindi mo ako mahal at wala lang ako sa iyo. Masakit... nakakalungkot... nakakaiyak... pero kakayanin ko. Dahil ayoko ring makitang unti-unti kong inililibing ang aking sarili sa iyo. Pero sa ngayon, hayaan mo sanang unti-unti ko itong mapagtagumpayan. Huwag lang sana dumating sa punto na, kung kailan wala ka na sa puso ko ay doon mo pa malalaman sa sarili mo na mahal mo ako.

No comments:

Post a Comment